Kampo ng pamilya Laude, duda sa apology letter ni Pemberton

Duda ang kampo ng pamilya ng Filipino transgender na si Jennifer Laude sa sulat na iniwan ni United States Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.

Nabatid na tuluyan nang nakaalis ng Pilipinas at nakalipad na pabalik ng Estados Unidos kahapon si Pemberton na nahatulang guilty sa pagpatay kay Laude noong 2014.

Sa pamamagitan ni Atty. Rowena Flores, inilabas ang sulat ni Pemberton kung saan inihayag nito ang kaniyang pagsisisi sa nagawa kay Laude.


Napagnilayan din umano niya nang husto ang maraming maling nagawa nang mapatay si Laude.

Lubos din siyang nagpapasalamat kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbibigay sa kaniya ng absolute pardon, na tinawag niyang “act of compassion.”

Pero sinabi ni Atty. Virginia Lacsa-Suarez, abogado ng pamilya Laude na hindi sila kumbinsido na si Pemberton ang nagsulat nito.

Hindi nila nakikitaan ng sinseridad ang sulat at maaaring ibang tao ang nagsulat nito.

Pakiramdam aniya ng pamilya na tila trinaydor sila parehas nina Pangulong Rodrigo Duterte at ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

Samantala, iginiit naman ng US Embassy na lahat ng paglilitis sa kaso ay naaayon sa hurisdiksiyon at batas ng Pilipinas.

Facebook Comments