KAMPO NG PULIS SA ILOCOS SUR, HINDI NAKALIGTAS SA HAGUPIT NG BAGYONG UWAN

Tinamaan din ng matinding pinsala ang ilang pasilidad sa Camp Elpidio R. Quirino sa Bulag, Bantay, Ilocos Sur matapos ang paghagupit ng Super Typhoon Uwan.

Ayon sa Provincial Police Office, napuruhan ang on-going construction ng multi-purpose hall auditorium, kung saan nasira ang ilang bahagi ng gusali.

Kabilang sa naitalang pinsala ang pagkakadurog ng mga salaming bintana, pagbitak at pagkakalaglag ng ceiling boards, at pagkasira ng mga ilaw.

Naitala rin ang pagkakatanggal ng mga turnilyong nakakapit sa bubong at nakalaylay na electrical cables na nagdulot ng dagdag na panganib sa loob ng kampo.

Tinatayang aabot sa humigit-kumulang ₱345,000 ang kinakailangang pondo para sa pagkukumpuni ng mga naapektuhang istruktura at kagamitan.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang kabuuang lawak ng pinsala habang isinasagawa ang clearing at assessment operations sa kampo.

Facebook Comments