
Humiling ang kampo ng walong akusadong opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) – MIMAROPA sa korte hinggil sa flood control project anomaly sa Naujan, Oriental Mindoro.
Kanilang apela na pigilan ang prosekyusyon sa pagbibigay ng panayam sa mga media tungkol sa naturang kaso sa isinagawang arraignment kahapon sa Sandiganbayan 5th Division para sa kasong Graft na kinakaharap ng mga akusado.
Ngunit ayon sa korte, sa pangunguna ni Associate Justice Gener Gito, ang kanilang mosyon ay sasailalim pa sa karagdagang pagsusuri.
Matatandaang dumalo sa arraignment kahapon sina DPWH-MIMAROPA Regional Director Gerald Pacanan, Assistant Regional Directors na sina Gene Ryan Altea at Ruben Santos, at mga akusadong sina Dominic Serrano, Felisardo Casuno, Dennis Abagon, Lerma Cayco, at Montrexis Tamayo.
Samantala, hindi nakadalo si DPWH-Region 4B Maintenance Division Chief Juliet Calvo na kasalukuyang nasa Camp Caringal sa Quezon City, dahil sa hindi paglabas ng korte ng produce order para humarap.
Magpapatuloy naman ang arraignment ni Calvo sa December 2 para sa kasong Graft at Malversation, kasabay ng iba pang akusado.
Habang sisimulan naman ang preliminary conference sa January 9, 19, at 26, at sa February 5, 12, 19, at 26 ng susunod na taon.









