Kampo ni Alice Guo, nanindigan na walang ginawang falsification at perjury nang magsumite ng counter-affidavit

Nanindigan ang kampo ni Dismissed Bamban Mayor Alice Guo na dapat nang ibasura ang mga kasong perjury at falsification na inihain ng National Bureau of Investigation (NBI).

Kaugnay ito sa isinumiteng kontra salaysay o counter-affidavit ng kampo ng sinibak na alkalde dahil sa kinakaharap na reklamong qualified human trafficking na isinumite matapos madawit sa iligal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Bamban, Tarlac.

Kanina, personal na dumalo si Guo sa isinagawang Preliminary Investigation at humarap sa panel of prosecutors sa Department of Justice (DOJ).


Sa ambush interview naman, sinabi ng kaniyang abogado na si Atty. Stephen David na walang dahilan upang madiin si Guo sa kasong pamemeke.

Giit kasi ni David, pre-signed o pinirmahan na ang counter-affidavit bago pa man ito umalis ng Pilipinas.

Itinuro naman ng abogado ni Guo ang nag-notaryo sa dokumento na siya raw dapat tanungin tungkol dito.

Una nang inamin ng abogado ni Guo na si Atty. Elmer Galicia na hindi nanumpa nang personal sa kaniya ang dating mayor.

Sa naturang counter-affidavit, may petsa itong August 14, 2024 pero nakaalis na pala si Guo sa Pilipinas noon pang July 18.

Matapos ang preliminary investigation, agad din ibinalik si Guo sa Pasig City Jail kung saan siya nakakulong.

Facebook Comments