Tinawag na nuisance, katawa-tawa at walang basehan ng kampo ni dating Senator at Presidential aspirant na si Bongbong Marcos ang inihaing petisyon sa Comelec ng isang grupo na nanawagan ng kanyang disqualification.
Ayon kay Atty. Victor Rodriguez, tagapagsalita ni Marcos, hihintayin muna nila ang kopya ng petisyon bago nila ito sagutin sa tamang oras at maayos na paraan.
Hindi rin muna sila magkokomento sa umano’y mga politikal propaganda na ibinabato sa kanila ng mga kalaban sa pulitika.
Aminado naman si Rodriguez na may ideya na sila kung sino ang nasa likod ng petisyon.
Matatandaang sa 57 pahinang petisyon na inihain sa Commission on Elections (COMELEC), kinuwestiyon ng mga kinatawan ng iba’t ibang civic groups ang kakayahan ni Marcos na tumakbo bilang punong ehekutibo dahil na-convict na ito noon dahil sa tax evasion.
Hindi rin nagbayad si Marcos ng estate tax na nagkakahalaga ng ₱23 billion noon o katumbas na ngayon ng ₱203.8 billion.
Kabilang sa mga naghain ng petisyon ang kinatawan ng Task Force Detainees of PH, Kapatid, Medical Action Group, FIND, PH Alliance of Human Rights Advocates at Balay.