Kampo ni Cassandra Li Ong, naghain ng petisyon sa Korte Suprema para irespeto ang pananahimik nito sa mga pagdinig sa Kongreso

Naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang kampo ni Cassandra Li Ong upang hilingin na maglabas ng temporary restraining order ang korte upang kilalanin ng mga mambabatas ang kaniyang right to self-incrimination at right to remain silent.

Batay sa 53 pahinang petisyon, humihiling din ng preliminary injunction at oral arguments ang kampo ni Ong para magabayan ng kanyang legal counsel sa bawat proseso sa pagharap sa committee hearings.

Ayon sa abogado ni Ong na si Atty. Ferdinand Topacio, dapat kilalanin ng mga mambabatas ang Constitutional right ng kanyang kliyente na manatiling tahimik o hindi sumagot sa mga tanong sa kanya kaugnay ng pagdinig sa isyu ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.


Sabi naman ni Topacio, iginagalang naman nila ang mga komiteng nag-iimbestiga pero sana ay kilalanin din daw ng mga mambabatas ang desisyong manahimik o hindi pagsagot ni Ong dahil karapatan niya ito sa ilalim ng Saligang Batas.

Nag-iingat lang aniya si Ong sa pagsagot lalo’t patung-patong na reklamo na ang kanyang kinakaharap.

Una nang pinatawan ng contempt order ng Quadruple Committee si Ong, dahil sa hindi pagsagot sa tanong ng mga kongresista kaugnay sa isyu ng POGO at pagtakas nila ni dating Mayor Alice Guo.

Bukas ang susunod na hearing ng Quad-Comm sa Kamara, kung saan nakahanda naman daw humarap si Ong sakaling ipatawag muli ng mga kongresista.

Facebook Comments