Hiniling ngayon ng pamilya ni Christine Dacera na maisailalim sa DNA test ang lahat ng body organs ng flight attendant na sinuri ng Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory.
Sa isang press conference, sinabi ng tagapagsalita at legal counsel ng pamilya Dacera na si Atty. Brick Reyes na ito ay para matiyak na ang mga sinuring specimen ng PNP at nanggaling talaga sa katawan ni Christine.
Aniya, duda ang pamilya ni Christine sa inilabas na forensic report ng PNP kung saan sinasabing nakitaan ito ng heart enlargement.
Masyado aniyang bata si Christine para magkaroon ng ganitong kondisyon at taliwas anila ito sa health status niya ilang isang flight attendant.
Naniniwala ang pamilya Dacera na may nangyaring cover-up.
“Because the PAL medical examination states heart normal, no hypertension so walang ebidensya na may enlarge heart. Paano mag-enlarge heart ang isang 23-year old flight attendant traveling 30,000 feet above sea level four time a day…Hindi naniniwala ang pamilya nito. May…palagay naman, cover-up na naman dito,” paliwanag ng abogado.
Kasabay nito, nilinaw ng kampo ni Christine na hindi nila pinepersonal ang mga respondent sa kaso.
Ang nais lang daw nila ay malaman ang katotohanan sa pagkamatay ni Christine.
“We are interested only in finding the truth. Wala kaming personal dito sa mga respondents, we don’t even know them. But we want to find out the truth, we want to get to the bottom of this. Yung mga identities sa Room 2007, sino ba sila para masama namin sa kaso? Up to now, there is no one from the Room 2007 that is included in the case, puro 2009 ito,” ani Reyes.