Kampo ni CJ Sereno, naghain ng mosyon para komprontahin ang mga testigong ihaharap laban sa Chief Justice

Manila, Philippines – Matapos na hindi aksyunan ng House Committee on Justice ang dalawang sulat na ipinadala ng kampo ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno na humihiling na ma-cross examine ng mga abogado ng Punong Mahistrado ang mga testigo, ay naghain na ng mosyon ang mga ito.

Ayon sa tagapagsalita ni Sereno na si Atty. Josa Deinla, isinapormal na nila ang hiling para payagan ang mga abogado na komprontahin ang mga saksi laban sa Chief Justice.

Garantisado aniya sa ilalim ng saligang batas ang inilalaban na karapatan na katawanin ng Chief Justice ang mga abogado sa ligal na proseso.


Giit ni Deinla, hindi kailangang gawin ng Chief Justice na direkta at personal ang pagkompronta sa mga testigo dahil may mga abogado naman ito.

Kung sakaling ibasura ng justice committee ang kanilang mosyon, sinabi ni Deinla na may mga opsiyon na silang pinag-iisipan hinggil dito.

Nag-iingat naman ang kampo ni Sereno kung iaakyat ang mosyon sa Korte Suprema dahil baka magdulot ito ng constitutional crisis sa dalawang sangay ng gobyerno.

Facebook Comments