Tuesday, February 3, 2026

Kampo ni dating Cong. Zaldy Co, itinangging may mga emisaryong pinadala para makipag-usap sa pamahalaan

Itinanggi ng kampo ni dating Ako Cong. Zaldy Co na nakikipag-usap ang dating kongresista sa pamahalaan.

Ayon kay Atty. Ruy Rondain, abogado ni Co, walang katotohanan ang pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na may tatlong taong inutusan si Co para makipag-ugnayan sa gobyerno.

Inihayag ni Atty. Rondain na kausap niya si Co noong isang araw at kinumpirma nito sa kaniya na walang siyang pinapadalang kinatawan para kausapin si Remulla o kahit sinong opisyal ng pamahalaan.

Sa kabila nito, handa aniya si Co tumulong sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects.

Patunay na aniya rito ang mga video na inilabas ni Co kung saan ibinunyag niya ang mga nangyaring kickback sa flood control projects kung saan sangkot ang mga matataas na opisyal ng pamahalaan, pero hindi naman ito pinapansin ng administrasyon.

Sinagot din ni Atty. Rondain ang pahayag din ni Remulla na kailangan munang isinauli ni Co ang mga ninakaw sa kaban ng bayan.

Iginiit ni Rondain na walang ibabalik ang kaniyang kliyente dahil wala itong kinuhang pera sa gobyerno.

Facebook Comments