Kinumpirma ng Commission on Elections (Comelec) na nakapaghain na ng counter-affidavit ang kampo ng sinibak na alkalde ng Bamban na si Alice Guo.
Ito ay kaugnay sa kinakaharap na kasong material misrepresentation sa inihain nitong Certificate of Candidacy (COC) noong 2022 elections.
Ngayong araw ang ibinigay na palugit ng poll body para makapaghain ng kontra salaysay si Guo matapos na dalawang beses palawigin.
Ayon kay Comelec Chair George Erwin Garcia, ang abogado ni Guo ang nagsumite ng counter-affidavit na ipinadala sa kanila.
Una nang sinabi ni Garcia na hindi nila sigurado kung papayagang lumabas ng detention facility ang dating alkalde kaya malabong ito mismo ang personal na magsumite ng kontra salaysay.
Samantala, sa susunod na linggo inaasahan na maglalabas ng rekomendasyon ang Law Department na isusumite sa En Banc upang madesisyunan.