Hindi na ikinagulat ng kampo nina dating Senador Bongbong Marcos ang naging unanimous decision ng Korte Suprema kahapon para tuluyang ibasura ang inihaing electoral protest noong 2016 laban kay Vice President Leni Robredo.
Sa interview ng RMN Manila kay Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita ni Marcos ay sinabi nitong wala nang “impact” sa kanila ang hatol ng korte dahil kukulangin na rin naman sa oras lalo’t isang taon na lamang ay eleksyon na muli.
Iginiit din ni Rodriguez na sa tatlong probinsiya pa lamang ay napako na ang manual recount kung kaya’t hindi na kakayanin pa kung magkakaroon pa ng bilangan sa ilang lalawigan.
Kaugnay nito, kahit wala nang impact ay kinumpirma ni Rodriguez na tatakbo si Marcos sa 2022 elections pero wala pang binanggit kung anong posisyon.
Samantala, sinabi naman ng legal counsel ni Robredo na si Atty. Emil Marañon na malinaw ang desisyon ng Korte Suprema kahapon at ang tagapagsalita ni Marcos lamang ang nagpapagulo.
Wala na rin aniyang magiging counter protest dahil tuluyan nang na-dismiss ang inihain ni Marcos.