Tuesday, January 20, 2026

Kampo ni dating Speaker Romualdez, itinanggi ang paratang ng mga testigong humarap sa hearing ng Senate Blue Ribbon Committee

Mariing itinanggi ni Atty. Ade Fajardo ang mga alegasyong inilahad sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ng mga testigong sina Joy at Maria laban kay dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Sa hearing ng Senado ay sinabi nina Joy at Maria na humarap sa kanila noon ang kontraktor na si Curlee Discaya at sinabing si Romualdez ang bumili ng isang bahay sa South Forbes Park.

Sina Joy at Maria ay nagtatrabaho noon sa isang Rico Ocampo na dating tenant sa nabanggit na bahay na anila’y binili ni Romualez noong April 2023.

Giit ni Atty. Fajardo, imposible ang kwento nina Joy at Maria dahil base sa sinumpaang pahayag ni Discaya ay hindi pa sya nakapasok sa naturang bahay sa south forbes park kaya malabong nakausap nya at nagbigay ng insturctions sa naturang mga testigo o sa sinuman.

Diin ni Fajardo, ang paratang nina Joy at Maria ay gawa-gawa lamang, hindi suportado ng anumang dokumento at ebidensya.

Katwiran pa ni Atty. Fajardo, ang pangalang Martin Romualdez ay wala sa mga deed, contract, o payment record na konektado sa nabanggit na property.

Facebook Comments