Kampo ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, nagpaliwanag sa hindi nito paglalagak ng piyansa sa korte

Nagpaliwanag ang legal counsel ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na si Atty. Stephen David sa hindi nito paglalagak ng piyansa sa Tarlac Regional Trial Court (RTC) matapos maharap sa mga kaso ng paglabag sa graft and corrupt practices act.

Dahil kasi sa hindi pagpapyansa ni Guo ay naudlot ang nakatakda sanang paglipat nito ng detention facility sa Senado.

Ayon kay David, hindi na naglagak ng pyansa si Guo dahil hindi naman ito urgent at may mga hiwalay pang kaso na isinampa sa kaniya.


Katwiran pa ni David, hindi na rin nag-bail si Guo dahil maabala lang at hindi rin naman makakalaya dahil mayroong pang kinakaharap na warrant naman sa Senado.

Samantala, sa aspeto naman ng pagpapaharap kay Guo sa pagdinig ng Senado, ipinauubaya na ito ng kampo ng sinibak na alkalde sa korte.

Sinabi ni David na bagama’t handa si Guo na muling humarap sa Mataas na Kapulungan, ito ay depende pa rin sa sasabihin at kung papayagan ng korte dahil may mga naging pagdinig aniya noon ang Senado kung saan pina-subpoena ang mga witnesses pero hindi pinapunta ng korte.

Facebook Comments