Muling aapela ang kampo ni dating Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo Teves Jr. para mapigilan ang pagpapauwi sa kaniya sa Pilipinas.
Kasunod ito ng muling desisyon ng korte sa Timor Leste na katigan ang gobyerno ng Pilipinas sa deportation case ni Teves.
Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Teves, inaasikaso na ng kanilang legal team ang mga gagawing hakbang.
Aapela raw ang kanilang kampo at umaasang makikita ng appelate court ang merito ng kanilang argumento.
Sa ngayon, nilinaw ni Topacio na hindi nakakulong si Teves pero hindi rin ito makalabas ng bansa dahil sa kanseladong passport.
Una nang sinabi ng Department of Justice (DOJ) na tiwala silang mapapabalik na sa bansa si Teves upang harapin ang patung-patong na kaso laban sa kaniya.
Si Teves ay itinuturong mastermind o utak ng pagpaslang kay Governor Roel Degamo at siyam pang indibidwal noong Marso ng nakaraang taon.