Kampo ni Jalosjos Jr., umapela sa Korte Suprema na huwag munang paupuin si Robert Uy bilang mambabatas ng Zamboanga del Norte

Umapela ang kampo ni Romeo Jalosjos Jr., sa Korte Suprema hinggil sa desisyon nito na paupuin si Robert Uy bilang duly-elected representative ng Zamboanga del Norte.

Sa ginawang pagsumite ng kampo ni Jalosjos ng immediate executory motion for reconsideration sa Supreme Court, sinabi ng abogado nito na si Atty. Edward Guialogo na hindi dapat maging final and executory ang naturang kautusan ng Korte Suprema dahil sa mababalewala ang kanilang motion for reconsideration.

Aniya, sa oras kasi na mapaupo at naging miyembro ng Kamara si Uy ay mawawalan na ng jurisdiction ang Supreme Court sa kaso at mapupunta na sa House of Representatives.


Paliwanag pa ng abogado, ang lahat naman ng kaso ay may karapatang iapela subalit sa oras na ipatupad agad ng Korte Suprema ang kanilang desisyon ay mababalewala na ang apela ni Jalosjos Jr.

Matatandaan na nag-ugat ang kaso sa pagkaka-proklama kay Jalosjos Jr., ng Commission on Elections (Comelec) bilang congressman ng Zamboanga del Norte.

Pero sa inisyal na bilangan, si Uy ang nanalo subalit dahil idineklara ng Comelec na nuisance candidate ang nagngagalang Frederico Jalosos lahat ng boto nito ay napunta kay Romeo Jalosjos Jr., na naging dahilan ng kanyang pagkakapanalo.

Facebook Comments