Hindi na naghain ng kontra-salaysay o depensa ang kampo ni Mabini, Batangas Mayor Nilo Villanueva at dalawang kapatid nito na inaresto ng Philippine Nation Police at Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) matapos makasamsam ng mga matataas na kalibre ng baril.
Ayon kay Atty. Cipriano Asilo, counsel ng mga suspek, hihintayin na lamang nila ang resolution ng Department of Justice (DOJ) panel of prosecutors.
Bahala na aniya ang panel of prosecutors na magdetermina sa kaso ng kanyang mga kliyente.
Sakali aniyang matanggap na nila ang resolusyon ng DOJ ay may mga legal remedies pa rin silang maaaring gamitin.
Noong Sabado, June 17, sa bisa ng search warrant mula sa Antipolo City Regional Trial Court ay sinalakay ng PNP-CIDG ang bahay ni Mayor Villanueva sa Barangay Sto. Tomas, Mabini, Batangas, kung saan nakumpiska ang matataas na kalibre ng baril at pampasabog.