Mistulang nahatulan na si Mayor Alice Guo nang walang due process sa mga imbestigasyon ng Senado at iba pang ahensya ng gobyerno kaugnay sa iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Bamban, Tarlac.
Ito ang iginiit ng mga abogado ni Guo matapos magsumite ng paliwanag sa Malacañang para kay Executive Secretary Lucas Bersamin na Chairman din ng Presidential Anti Organized Crime Commission (PAOCC).
Ayon kay Atty. Nicole Rose Margaret Jamilla, ikinalulungkot nila na ang imbestigasyon ng Senado at iba pang ahensiya ng gobyerno laban sa kanilang kliyente na tila naging conclusive na sa mga kasong pang-eespiya, human trafficking, kidnapping at money laundering.
Kaisa aniya si Guo sa mandato ng PAOCC na imbestigahan nang patas ang isyu at mapanagot ang mga kriminal sa bansa.
Dagdag pa ni Jamilla na kumpiyansa si Guo na ipagpapatuloy ng PAOCC na mailabas ang katotohanan, protektahan ang kapakanan ng publiko at matiyak na mangingibabaw ang hustisya.
Walang iba aniyang may gustong mahayag ang katotohanan at matukoy kung sino talaga ang responsable sa mga pananagutan kundi mismong ang alkalde na siyang nakakaladkad ang pangalan at pinupukol ng akusasyon nang walang sapat na basehan.