Nananawagan si Bamban Tarlac Mayor Alice Guo na masusi munang imbestigahan ang mga kaso bago maglabas ng anumang pahayag sa publiko.
Ito ang naging pahayag ni Mayor Guo kung saan tila niluto muna sa publiko at sa media ang mga alegasyon bago nagsampa ng reklamo laban sa kanya.
Muli niyang iginiit na wala siyang koneksyon sa anumang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) operations sa bansa kung kaya’t mali na tawagin siyang “conspirator” nang walang matibay na ebidensya.
Aniya, ang mga ganitong akusasyon ay kailangang masuportahan ng sapat na ebidensya lalo na’t ang pagkakaroon ng koneksyon lamang sa mga kumpanya o indibidwal ay hindi sapat na batayan upang tawagin ang isang tao na kasabwat.
Ang pahayag ay ginawa ni Mayor Guo bilang reaksyon sa kasong Anti-Trafficking in Persons na isinampa laban sa kanya sa Department of Justice(DOJ) ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Kahit na hindi pa natatanggap ang kopya ng pormal na reklamo, nananatiling kumpiyansa si Mayor Guo na walang sapat na ebidensya na mag-uugnay sa kanya sa mga paratang.
Handa rin siya na sagutin ang mga akusasyon laban sa kaniya kung saan naninindigan siya sa kanyang pangako na ipagtanggol ang katarungan at transparency sa mga proseso.