
Naglabas ng pahayag ang kampo ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon makaraang hatulan ng Sandiganbayan na guilty sa kasong graft.
Ito ay kaugnay sa umano’y maanomalyang paggamit ng pondo ng priority development assistance fund (PDAF) noong 2007 kung saan kasama niyang sinentensiyahan ang tinaguriang pork barrel queen na si Janet Lim-Napoles at dating government officials na sina Dennis Cunanan, Maria Rosalinda Lacsamana at Evelyn de Leon.
Anim hanggang walong taong kulong ang hatol sa kanila bukod pa sa perpetual disqualification sa paghawak sa anumang posisyon sa gobyerno.
Ayon kay Atty. Mitchell-David Espiritu, tagapagsalita ni Biazon, iginagalang nila ang desisyon ng Sandiganbayan dahil bahagi ito ng proseso ng hustisya.
Sa kabila nito, ikinagulat daw nila ang naging hatol lalo’t nauna nang naabswelto ang alkalde sa kasong bribery at money laundering dahil sa kawalan ng ebidensiya bukod pa sa pagkaka-acquit sa reklamong Malversation.
Sa ngayon, umaasa ang kampo ni Biazon na maaabswelto rin ito at nakatakda silang maghain ng Motion for Reconsideration upang hilinging muling pag-aralan ng Sandiganbayan ang desisyon.
Nilinaw rin nila na bagama’t may hatol na ay mananatiling punong lungsod si Biazon dahil hindi pa pinal ang desisyon.









