
Pormal na naghain ng reklamo sa Department of Justice (DOJ) ang legal counsel ni Mamamayang Liberal (ML) Party-List Rep. Leila de Lima na si Atty. Dino De Leon laban sa mga prosecutor nito.
Base sa isinumite ni Atty. De Leon, reklamong Grave Misconduct at Gross Ignorance of the Law ang kanilang inihain laban sa 10 prosecutors.
Paliwanag ng abogado, hanggang ngayon kasi ay hindi tumitigil ang mga prosecutor sa paghahabol sa kaso ni Rep. De Lima kahit pa naabswelto na ito at na-dismiss na ang kaso sa hukuman.
Bukod pa rito, inatasan na nina Justice Secretary Crispin Remulla at Prosecutor General Richard Fadullon sa pamamagitan ng memorandum noong July 23 ang mga prosecutor na i-withdraw o iatras na ang Motion for Reconsideration na dating inihain ng DOJ.
Ipinaliwanag pa ni Atty. De Leon na nais nilang maimbestigahan ang mga prosecutor na umano’y umabuso sa kapangyarihan.
Simula pa lamang daw ito ng hakbang ng kampo ni Rep. De Lima kung saan nais nilang papanagutin ang mga nasa likod kung bakit ito nakulong noong panahon ng Duterte administration.









