Kampo ni Pasig City Mayor Vico Sotto, naghain na ng sagot sa NBI

Nagtungo na sa National Bureau of Investigation (NBI) ang kampo ni Pasig City Mayor Vico Sotto para maghain ng reply o tugon sa “letter to explain” ng NBI.

Kaugnay ito sa imbestigasyon ng NBI sa umano’y paglabag ni Sotto sa Bayanihan to Heal as One Act kaugnay sa pagbiyahe ng mga tricycle sa lungsod.

Ayon kay si Pasig City Administrator Atty. Jeronimo Manzanero na siyang nagtungo sa NBI, nais nilang alamin kung ano ba talaga ang alegasyong tinutukoy ng NBI.


Hindi kasi aniya nila masasagot ng tama ang sulat dahil magulo ang pagpapatawag sa kanila.

Kasabay nito, nanindigan din si Manzanero na fully compliant ang Lokal na Pamahalaan ng Pasig sa lahat ng direktiba ng national government sa umiiral ang Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Samantala, nakatakdang ipatawag ng Department of Justice (DOJ) si Senator Aquilino “Koko” Pimentel III dahil sa umano’y paglabag nito sa quarantine protocol.

Ayon kay Prosecutor General Benedicto Malcontento, ilalabas na ang subpoena sa susunod na linggo kung saan nakalakip ang reklamo laban kay Pimentel.

Nabatid na nahaharap ang senador sa reklamong paglabag sa Republic Act No. 11332 at sa regulasyon ng Department of Health matapos itong magtungo sa Makati Medical Center kasama ang kaniyang asawa sa kabila ng kaniyang persons under investigation (PUI).

Facebook Comments