Inamin ng kampo ni presumptive President Bongbong Marcos Jr., na nasorpresa sila sa pagtanggap at hindi na pagkwestyon ng kampo ni VP Leni Robredo sa resulta ng halalan.
Ngayong hapon, bago mag-umpisa ang canvassing sa boto sa pangulo at ikalawang pangulo ay nag-manifest si Atty. Romulo Macalintal na wini-waive na ng kampo ni VP Robredo ang kanilang appearance at representasyon sa canvassing at hindi na kukwestyunin ang magiging resulta ng boto sa presidente.
Ayon kay Atty. Vic Rodriguez, legal counsel ni Marcos, talagang nasorpresa sila sa inihayag ng kampo ni Robredo pero ito aniya ay maituturing na “good surprise”.
Ipinakita lamang aniya ng kampo ni Robredo ang “patriotism” sa pagtanggap nito sa integridad ng resulta ng eleksyon at sa electoral process.
Ito rin naman aniya ang gusto nila at ipinaparating na mensahe ng pagkakaisa.
Bukod kay VP Robredo ay nagpaabot rin ng pasasalamat ang kampo ni Marcos kay Manila Mayor Isko Moreno sa pagtanggap rin nito sa resulta ng halalan.