Kampo ni Quiboloy, naghain ng mosyon sa korte para manatili ang mga kapwa akusado nito sa PNP

Nagsumite ng motion for reconsideration ang kampo ni Kingdom of Jesus Christ Founder Apollo Quiboloy sa Pasig RTC Branch 159 na manatili muna sa Philippine National Police o PNP custodial facility ang mga kapwa akusado nito na sina Jackielyn Roy, Cresente Canada, Ingrid Canada at Sylvia Cemañes.

Ayon kay Atty. Mark Tolentino, isa sa mga legal counsel ni Quiboloy ayaw kasing mapag-isa ng pastor dahil ito ay malulungkot kung mag-iisa na lamang siya sa PNP custodial facility.

Sa ngayon kasi ay nagkakasigawan pa sina Quiboloy at mga kapwa akusado nito para makapag-usap.


Malungkot aniya sa selda dahil walang gadgets, walang makausap at walang magawa o hindi man lamang aniya makakinig ng religious song.

Sinabi pa ni Atty. Tolentino na hangga’t hindi pa nareresolba ng korte ang kanilang mosyon ay dapat manatili muna ang apat na akusado sa PNP custodial facility.

Sa desisyon kanina ng korte, pinayagan na manatili si Quiboloy sa PNP custodial facility hangga’t hindi pa ito na eeksamin ng government doctors dahil umano sa kanyang existing medical condition kaya’t humirit ito ng hospital arrest.

Facebook Comments