Nais ng kampo ni Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr., na marinig ang paliwanag ng House of Representatives kung bakit sinuspinde ng 60-araw ang kongresista.
Sa pahayag ni Atty. Ferdinand Topacio na legal counsel ni Cong. Teves sa media forum sa Maynila, may tatlong bagay lamang silang nais malaman kung bakit agad na nagdesisyon ang Kamara sa kanilang kliyente.
Sinabi pa ni Topacio, hihintayin nila ang sagot mula sa Kongreso saka sila mag-iisip ng kanilang hakbang depende sa magiging desisyon ni Cong. Teves.
Aniya, una na nilang nakausap si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez kung saan nagkaroon sila ng tinatawag na “gentleman agreement” pero hindi naman ito maaaring isapubliko.
Dagdag pa ni Topacio, hiling lang ng kaniyang kliyente na maging patas ang proseso sa kinakaharap na isyu lalo na’t hindi pa naman napapatunayang guilty ang kaniyang kliyente at suspek pa lamang ito sa mga akusasyon.
Iginiit pa ni Topacio na totoong may banta ang kaniyang kliyente bago pa man mangyari ang insidente ng pagkakapatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at matagal na itong isinapubliko ni Cong. Teves.