Nanindigan ang kampo ni businesswoman Rose Nono Lin na walang basehan ang warrant of arrest na pinalabas ng Senate Blue Ribbon Committee laban kay Lin.
Iginiit ni Atty. Alma Mallonga, abogado ni Lin, na kung tutuusin ay pitong beses naman na nakadalo sa pagdinig ang kanyang kliyente.
Maayos din aniyang nakasagot si Lin sa mga katanungan ng komite at sa katunayan ay napuri pa siya ni Committee Chairman Richard Gordon sa matapat niyang pagsagot sa mga nakalipas na hearing.
Nanindigan din ang kampo ni Lin na iba ang Pharmally Biological Pharmaceutical Company na itinalaga noong 2017 pa at hindi naging operational sa Pharmally Pharmaceutical Corp.
Hindi rin aniya shareholder o opisyal si Lin sa Pharmally Pharmaceutical.
Muli ring nilinaw ni Atty. Mallonga na walang naging transaksyon sa pamahalaan ang Pharmally Biological at maging si Lin.
Hindi rin aniya malinaw ang proseso sa Senado upang ipawalang-bisa ang pagpapa-aresto kay Lin kaya dumulog na sila sa korte.
Ito ay bagama’t sinuspinde ng sampung araw ang pagpapa-aresto kay Lin matapos itong maospital para sa surgical procedure.