
Nanindigan ang kampo ni Senator Chiz Escudero na legal ang donasyong tinanggap ng senador mula sa isang contractor noong 2022 elections.
Kaninang umaga ay nagsumite na ng counter-affidavit ang mambabatas sa pamamagitan ng kanyang abogado upang magpaliwanag tungkol sa ₱30 milyon campaign donation na tinanggap ni Escudero mula sa contractor na si Lawrence Lubiano, Presidente ng Centerways Construction and Development Inc.
Ayon kay Atty. Ramon Esguerra, legal counsel ni Escudero, malinaw ang kanilang posisyon na ang donasyon ay legal at ito ay idineklara nang buo alinsunod sa nakasanayan at alituntunin kapag eleksyon.
Kumpiyansa ang kampo ni Escudero na papanig ang batas sa kanila at walang makikitang paglabag dito ang Commission on Elections (COMELEC).
Ang sagot ng senador ay bilang tugon sa inisyu ng show-cause order ng COMELEC upang sagutin ang donasyong tinanggap noong halalan mula sa contractor na kabilang sa top 15 na tinukoy ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nakakuha ng pinakamarami at kwestiyunableng proyekto para sa flood control.









