
Naghihintay pa sa ngayon ang kampo ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ng opisyal na kumpirmasyon tungkol sa umano’y paglalabas ng International Criminal Court (ICC) ng arrest warrant laban sa senador.
Sa inilabas na official statement ni Dela Rosa sa pamamagitan ng abogado nitong si Atty. Israelito Torreon, sakaling mapatunayang totoo ang planong pagaresto ng ICC sa mambabatas, tiwala ang senador na kikilos ang gobyerno alinsunod sa batas at anumang hakbang ay dadaan muna sa proseso ng lokal na korte salig na rin sa ating Konstitusyon.
Umaasa rin ang kampo ng senador na itataguyod ng pamahalaan ang karapatan sa soberenya ng Republika ng Pilipinas.
Bagamat batid ni Dela Rosa ang kumakalat na ulat na mayroon na siyang arrest warrant matapos kumpirmahin ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa isang panayam, iginiit naman ng kampo ng senador na wala pa silang nakukuhang impormasyon kung tama ang naturang balita.
Hinimok naman ng mambabatas ang lahat na maging maingat at iwasan ang pagpapakalat ng mga hindi pa beripikadong impormasyon na hindi pa opisyal na inilalabas ng mismong ICC.









