Nagsasagawa na ng imbestigasyon sa umano’y hacking incident sa Commission on Elections (Comelec) ang in-house Comelec accredited cyber-security team mula sa kampo ni presidential aspirant Senator Panfilo “Ping” Lacson.
Sabi ni Lacson, hakbang nila ito bagama’t ang Comelec at Department of Information and Communications Technology (DICT) ang opisyal na magkukumpirma o magde-deny sa hacking incident.
Sinabi ni Lacson na kahit limitado ang access ng kanilang team ay gagawin nito ang lahat para makakalap ng inisyal na impormasyon.
Binanggit ni Lacson na kabilang sa mahalagang malaman ay sino ang responsable o nasa likod ng hacking para malaman ang motibo at sino ang magbebenepisyo sa ginawa nito.
Kasabay nito ay hinihintay din ni Lacson ang tugon ng mga nagsabing magpapakita sila ng pruweba na magpapatunay sa kanilang alegasyon ng hacking sa Comelec.
Kaugnay nito ay iginiit ni Lacson sa Comelec na maging bukas sa mga eksperto at stakeholders na makakatulong para mapalakas ang security system nito.
Diin ni Lacson, sa pamamagitan lamang ng transparency and accountability magagarantiyahan ang integridad ng papalapit na halalan.