Manila, Philippines – Ipinauubaya ng kampo ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa 11 abogado ang magiging hakbang sakaling totohanin ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang banta na pagsasarahan ng pinto ang mga ito.
Ang banta na ito ni Alvarez ay kung hindi talaga dadalo si Sereno sa pagdinig sa probable cause ng impeachment case nito.
Ayon kay Atty. Josa Deinla, tagapagsalita ni Sereno, ang mga abogadong ipapadala ang bahala sa diskarte kung hindi papasukin ang mga ito sa hearing.
Aniya, karapatan ng sinuman ang right to counsel na siyang dapat na ibigay din sa Chief Justice.
Mas pinili umano ni Sereno na hindi dumalo at ipagpatuloy ang kanyang trabaho bukas sa Korte Suprema.
Paliwanag pa ni Deinla, naipaliwanag na ni Sereno “under oath” ang kanyang panig at hindi nangangahulugan na ang hindi niya pagharap sa pagdinig ay umaamin ito sa mga alegasyon laban sa kanya.