Bumwelta ang kampo ni Speaker Lord Allan Velasco sa kampo ni dating Speaker at Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano matapos tawaging tamad at trapo ang kasalukuyang liderato ng Kamara.
Kasunod na rin ito ng pagbuo ni Cayetano ng independent majority sa Kamara na tinawag nitong ‘BTS sa Kongreso’ na ang layon ay bantayan ang kasalukuyang House leadership.
Giit ni House Senior Deputy Speaker Doy Leachon, paanong masasabing tamad gayong sa unang 3 buwan pa lamang ay mas marami nang naipasang mga bill sa ilalim ng liderato ni Velasco kumpara kay Cayetano.
Wala rin aniyang pulitika sa pagtalakay ng Charter Change sa Kamara dahil committed aniya ang liderato na tanging economic provisions lang ang aamyendahan.
Ibinato ni Leachon sa kampo ni Cayetano ang pagiging trapo dahil ang mga ito aniya ang sumakay sa ingay ng Cha-Cha para magpapansin.
Pinatutsadahan pa ni Leachon ang pagsakay ng pangalan ng grupo ni Cayetano sa popularidad ng South Korean boy band na BTS.
Inasar pa ni Leachon ang kampo ni Cayetano na baka maiba ang konotasyon sa kanilang grupo at tawaging ‘Bitter Talaga Sila’.