Itinuturing ng kampo ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na mahina at ipinilit lamang ang inihaing reklamo ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at Presidential Anti Organized Crime Commission (PAOCC) laban sa alkalde.
Sa ginanap na preliminary investigation sa Department of Justice (DOJ), ipinaliwanag ng abogado ni Guo na si Atty. Alex Avisado na hindi pasok sa ilalim o termino ng qualifed human trafficking ang reklamo dahil sa walang sapat na ebidensiya.
Aniya, ang mga ebidensiyang ipinakita ng PAOCC at PNP-CIDG ay walang kinalaman para kasuhan ng human trafficking si Guo.
Paliwanag pa ni Avisado, mismong ang PNP CIDG at PAOCC ang nagsabing walang direktang ebidensiya na nagtuturo kay Guo na nakagawa ng human trafficking kung kaya’t handa silang magpasa ng counter affidavit sa darating na July 22, 2024.