Kinuwestyon ng kampo ni Vice President Leni Robredo ang Malacañang dahil sa tila mas nakatuon sila sa pagpuntirya sa Twitter posts ng mga anak ng Bise Presidente gayung marami pa rin ang nangangailangan ng tulong bunga ng mga nagdaang bagyo.
Ayon kay Atty. Barry Gutierrez, ang tagapagsalita ni Robredo, mas ginugugol ng administrasyon ang oras nito sa pag-analisa ng tweets ng mga anak ni VP Leni.
Iginiit ni Gutierrez, inabot na ng ilang araw at itong isyu pa rin ang ‘hanash’ o himutok ng administrasyon.
Patuloy aniya si VP Robredo sa kanilang relief efforts para sa mga biktima ng bagyo at walang oras mamulika.
Tanong ngayon ni Gutierrez, “sino nga uli ang namumulitika?”
Matatandaang pinuna ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang tweets ng dalawang anak ni Robredo na kumukwestyon kung nasaan ang Pangulo nang manasala ang Bagyong Ulysses.