Kampo ni VP Robredo, pumalag kay Harry Roque

Bumuwelta ang kampo ni Vice President Leni Robredo kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

Ito ay matapos sabihin ni Roque na lumabag si Robredo sa physical distancing rule sa mga pagbisita nito sa mga lugar na nasalanta ng mga nagdaang bagyo.

Ayon kay Atty. Barry Gutierrez, ang tagapagsalita ni Robredo, ang mga administration officials gaya ni Roque ay dapat alam kung kailan tatanggapin ang responsibilidad at magtrabaho nang maayos sa halip na batikusin ang Bise Presidente.


Banat pa ni Gutierrez, nagpa-“mañanita” si Roque sa beach at si Robredo pa rin ang sisisihin.

Ang tinutukoy ni Gutierrez ay ang paglabag ni Roque sa quarantine protocols nang dumalo siya sa nangyaring mass gatherings sa Bantayan Island, Cebu.

Sa Palace briefing, sinabi ni Roque na hindi naging patas ang pagtrato sa kanya ng media habang ipinapakita niya ang mga litrato ni Robredo na nakikipagkamay sa mga nasalanta ng bagyo sa gitna ng pandemya.

Matatandaang inulan ng batikos si Roque mula sa mga netizens, maging ni Health Secretary Francisco Duque III dahil sa pagsasalita nito sa madla habang nabalewala ang physical distancing.

Facebook Comments