Nanindigan ang kampo ng negosyateng si Wilfredo Keng na makailang beses silang nakipag-ugnayan sa Rappler para maitama ang “mapanirang” istorya tungkol sa kaniya subalit wala raw silang natanggap na tugon.
Sa isang ulat, sinabi ng mga abogado ni Keng na hindi raw aabot ang isyu sa demandahan kung inilabas ng news website ang panig ng kliyente hinggil sa inilathala nilang “shady past” nito noong 2012.
Giit nila, wala raw ginawang validation at verification ang Rappler hinggil sa kontrobersiyal na artikulo. Nasa 50 email at text messages din umano ang ipinadala nila bilang pakiusap na isapubliko ang sagot ni Keng.
Hinatulan ng Manila Regional Trial Court Branch 46 nitong Lunes na makulong mula anim na buwan hanggang anim na taon sina Rappler CEO Maria Ressa at dating writer-researcher na si Reynaldo Santos Jr.
Enero 2019 nang sampahan ng cyber libel ang dalawa dulot ng istoryang lumabas sa naturang news website kaugnay ng “intelligence report” hinggil sa pagkakadawit umano ni Keng sa drug smuggling at human trafficking.
(PHOTO FROM RAPPLER)