*Cauayan City, Isabela- *Patuloy na nangangalap ng ebidensya ang kasundaluhan kaugnay sa umano’y pamimigay ng pera ng isang tumatakbong kandidato para sa May 13 Midterm elections sa mga kasapi ng New People’s Army (NPA) bilang “permit to campaign fee” sa Jones, Isabela.
Sa personal na ibinahaging impormasyon ng 502nd Infantry Brigade at 86th Infantry Battalion ng 5th ID, PA sa 98.5 RMN Cauayan sa katauhan nina Sgt. Jake Lopez at Sgt. Benjie Maribbay, mayroon umanong kasapi ng NPA na mismong ikinakampanya ang isang lokal na kandidato na nagbigay umano ng pera sa mga rebelde.
Kita umano ng mga residente sa lugar ang pagpapatupad ng mga rebelde ng permit to campaign fees sa mga kandidato kung saan sapilitan na ang kanilang paghingi ng bayad sa mga pulitiko ngayong nalalapit na halalan.
Nagbibigay rin umano sila ng sulat sa mga Brgy Kapitan bilang panakot sa mga ito na kung hindi susuporta sa mga kandidato ng makakaliwang grupo ay mayroong umanong masamang mangyayari sa mga ito.
Taliwas naman ito sa kanilang ipinalabas na statement na umano’y sinasabihan ang mga opisyal at kumakandidato na huwag takutin at diktahan ang mga mamamayan sa kung sino ang dapat nilang iboto.
Kaugnay nito, sinisiyasat na ng kasundaluhan ang nasabing usapin upang masampahan at matanggal ang sinumang kandidato na mapapatunayang nagbibigay ng pera sa mga NPA.
Pinaalalahanan naman ang mga residente na piliin at huwag hayaang manalo ang mga kandidato na may ugnayan at sumusuporta sa mga rebelde dahil mas lalo lamang itong magdadala ng kaguluhan sa bayan ng Jones.