Kinansela ng Commission on Elections (COMELEC) ang kandidatura ni Marikina Mayor Marcelino Teodoro bilang kongresista ng Unang Distrito ng lungsod.
Ito ay matapos katigan ng poll body ang petisyong inihain laban sa kaniya dahil sa material misrepresentation.
Batay sa resolusyon ng Comelec, hindi katanggap-tanggap ang biglaang paglipat ng tirahan nina Teodoro at hindi rin umano nakikita ang alkalde na naninirahan sa bagong address nito.
Kaya malabo aniyang naabot ni Teodoro ang 1-year residency requirement sa ilalim ng Saligang Batas.
Nagkaroon anila ng material misrepresentation nang sabihin nito na registered voter siya sa 1st District kahit na hindi pa aprubado ng Election Registration Board noong ihain ang kaniyang certificate of candidacy (COC) noong October 5.
Dahil dito, ipinag-utos ng Comelec ang tuluyang pagkansela ng COC ni Teodoro para sa pagtakbo sa 2025 midterm elections.
Inihain ang petisyon sa Comelec ni Senador Koko Pimentel na kaniyang katunggali bilang kongresista.