Kapa member na may P1M donasyon, inatake sa puso

COURTESY: MANILA BULLETIN

Namatay sa atake sa puso ang isang matandang may malaking halaga ng ‘donasyon’ sa Kapa-Community Ministry International Inc. (Kapa) sa South Cotabato.

Ito’y matapos mabalitaan ng nasawi na si Percival Alojado, 76-anyos, na ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatigil ng operasyon ng nasabing grupo.

Ayon sa anak nitong si Ambrose, public elementary teacher, nag-sangla ang ama ng lupa sa halagangn P400,000 para magamit bilang start-up donation nitong Enero.


Buwan-buwan umano itong kumikita o nakatatanggap ng “blessings” na umabot na sa higit P1 milyon bago magsimula ang pagpapasara sa Kapa outlets.

Muli rin daw itong nag-donate ng P150,000 na ipinangalan kay Ambrose, pero wala pang “blessing” o “love gift” na bumabalik dito.

Nakiusap ang anak ng pumanaw sa pangulo na payagan ang muling operasyon ng Kapa upang maibalik sa kanila ang pera.

Marami nang lumutang na balita sa social media tungkol sa mga namatay o nagpapakamatay na miyembro ng Kapa pero ito pa lamang ang kumpirmado.

Ipinag-utos ni Duterte ang pagpapasara ng Kapa at pagdakip sa founder nitong si Pastor Joel Apolinario.

Bagama’t itinigil din ang operasyon ng radio stations ng Kapa nang magsimula ang crackdown, nagpapatuloy ang media arm nito sa social media.

Naghain na rin ng mga kasong kriminal laban sa founder ang Securities and Exchange Commission (SEC), Martes.

Pinaghahanap pa rin ng gobyerno si Apolinario, ang asawa nitong si Reyna at iba pa nitong kalapit.

Facebook Comments