Kapabayaan ng mga awtoridad na mapaghandaan ang pag-atake sa Marawi, kabilang sa mga bubusisiin ng Senado

Sisilipin ng Senate Committees on National Defense and Security at Public Order and Dangerous Drugs ang nangyaring lapses o kapabayaan ng mga otoridad para napaghandaan o naiwasan sana ang pagsabog noong Linggo sa Marawi State University.

Binawi ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa, ang kanyang naunang pahayag na posibleng may “failure of intelligence” kaya nangyari ang pambobomba sa MSU na ikinasawi ng apat na katao at ikinasugat ng hindi bababa sa 50 indibidwal.

Aniya, lumalabas sa kanilang isinagawang executive session na walang nangyaring ‘failure of intelligence’ dahil may mga naunang ulat na tungkol sa pagatake.


Posible aniyang nangyari ay nagkaroon ng ‘failure to appreciate intelligence’ o ‘failure to perform security preparations’ batay sa intelligence kaya hindi naagapan ang naturang bombing incident.

Paliwanag ni dela Rosa, kahit na mayroong impormasyon kung nabalewala ang intelligence report at hindi ito naaksyunan agad ay tiyak na magiging defenseless o wala tayong kalaban laban.

Samantala, binigyang diin pa ng mambabatas na huwag tumigil ang ating mga sundalo at pulis sa manhunt operation sa mga hinihinalang nasa likod ng pagsabog lalo’t tukoy at pinangalanan na ang mga ito sa publiko.

Facebook Comments