
Isinusulong ni Senator Erwin Tulfo ang Senate Bill 1876 na layong gawing krimen ang kapabayaan sa mga proyekto ng pamahalaan na hindi umaabot sa itinakdang pamantayan ng kalidad.
Binigyang-diin ni Sen. Erwin na ang mga pampublikong imprastraktura ay pinopondohan mula sa buwis ng mga mamamayan kaya dapat lang na matiyak ang kaligtasan, tibay, at kalidad ng mga ito.
Binigyang-diin ng senador na ang mga depektibong proyekto ng gobyerno ay nagdudulot ng pag-aaksaya sa pondo ng bayan, panganib sa buhay, pagkaantala ng kabuhayan, at pagkawala ng tiwala ng publiko sa mga institusyon ng pamahalaan.
Sa ilalim ng panukala, malinaw na tutukuyin ang pananagutan at parusa para sa mga opisyal ng gobyerno, kontratista, inhinyero, at iba pang sangkot na mapatutunayang nagpabaya sa kanilang tungkulin.
Oras na maisabatas, ang mga mapapatunayang lumabag ay mahaharap sa parusang kulong mula anim hanggang labindalawang taon o multang hindi bababa ng P10 million pesos.










