“Kapag magulo at marumi ulit ang Divisoria, isipin niyong nasuhulan ako”- Isko Moreno

“Kapag dumumi yun, ganito lang iisipin mo. Kapag ang Divisoria napuno uli, kayo na mag isip na nalagyan ako.”

‘Yan ang matapang na pahayag ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa mga nagtatanong hanggang kailan mapapanatiling malinis ang mga lugar sa lungsod.

Nitong Martes, sinimulan ni Moreno ang clearing operations sa buong Kamaynilaan partikular sa Divisoria, Carriedo, Recto at Quiapo bilang bahagi ng kampanya laban sa mga illegal vendors.


Pagtitiyak ng alkalde, tuloy-tuloy ang isinasagawang paglilinis at pagbabantay sa mga nasabing lugar para hindi na muling okupahin.

“Kapag ang Divisoria, Recto, Juan Luna, napuno uli ng vendor, isipin niyo na nilagyan ako. Quiapo, lahat ng pinaluwag namin, kasi ang tawag doon pagpapakilala lang,” dagdag pa niya.

Kahapon, binanggit ni Moreno na may nagtangkang suhulan siya ng P5 milyon kada araw o P1.5. bilyon kada taon para hindi galawin ang mga nagtitinda sa bangketa.

Pero binalaan niya ang indibidwal at hindi na ulit nagparamdam sa kanya.

“Anim na taon niyo na pong napakinabangan ang kalye ng lungsod ng Maynila. Sana naman, mapakinabangan na ng mamamayan ng lungsod ng Maynila ang kalsada,” ani Moreno.

Samantala, pinangunahan din niya ang pagsira ng 75 video karera na nakuha ng mga awtoridad sa Manila City Hall.

Facebook Comments