Pinatitiyak ni Basic Education Committee Chairman Senator Sherwin Gatchalian sa mga ahensya at sa lokal na pamahalaan ang kaligtasan at kapakanan ng mga kabataang apektado ng Bagyong Kristine.
Batay sa datos ng DepEd, aabot sa higit 18.6 million learners o halos 40,000 na paaralan ang apektado ng pananalasa ng bagyo kung saan umabot na sa P765-M ang infrastructure damage, P557.5-M ang sa reconstruction, at P207.5-M para sa major repairs.
Tinukoy naman ni Gatchalian na sa ilalim ng Comprehensive Emergency Program for Children (CEPC), ang mga ahensya tulad ng Department of Health (DOH), Department of Education (DepEd), at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay may responsibilidad na siguruhing nasa ligtas na lugar ang mga kabataan at patuloy na nakakamit ng mga ito ang maayos na kalusugan, nutrisyon at kalinisan.
Pinasisiguro din na nakatatanggap ng psychosocial support ang mga estudyante at maipagpapatuloy agad ang klase o pag-aaral.
Iginiit ni Gatchalian na sa panahon ng kalamidad ay mahalagang bigyan ng prayoridad ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral.