Sinisiguro ng Department of Labor and Employment (DOLE) na kanilang tututukan ang kapakanan ng mga empleyado ng gobyerno na maapektuhan sa planong ‘rightsizing’.
Ayon kay DOLE Secretary Bienvenido Laguesma, nais niyang makakuha ng sapat na kompensasyon at bibigyan ng bagong designasyon na depende sa kanilang kakayahan ang mga empleyado ng gobyerno sakaling ipatupad na ang nasabing plano.
Subalit magde-depende naman ito kung mayroong bakante sa ilang ahensiya o departamento ng gobyerno.
Bukod dito, aminado si Laguesma na hindi niya agad masasagot ang ilang mga hakbang sa ‘rightsizing’ dahil pinag-aaralan pa ng mabuti ng DOLE ang plano kasama ang ilang ahensiya ng pamahalaan.
Matatandaan na planong ikasa ang rightsizing sa bawat ahensiya na may paulit-ulit o magkakapatong na mga tungkulin upang makatipid ang gobyerno sa mga gastusin at pampa-sweldo.
Paraan din ito para ma-review ang estado ng lahat ng empleyado at lahat ng posisyon kung saan dito malalaman kung kinakailangan pa sila sa tanggapan ng pamahalaan.