Manila, Philippines – Pinakikilos ni PBA Partylist Representative Jericho Nograles ang Civil Aeronautics Board (CAB) na silipin at tiyakin ang kapakanan ng mga airline front liners at mga flight crews partikular ang Cebu Pacific at Philippine Airlines.
Nababahala ang kongresista sa plano ng ilang airlines na magbawas ng mga tauhan para makabawi sa nawawalang kita dulot ng congestion problem sa NAIA at sa inefficient airport operation.
Tinukoy ng mambabatas na dahil sa problema sa air traffic at congestion sa NAIA marami ang na-dedelay at nagkakansela ng flights na nagiging dahilan ng pagkalugi ng mga airlines.
Bukod sa kinakaharap na stress ng mga tauhan ng mga airlines na nag-aasikaso sa mga galit na pasahero, malaking pangamba din sa mga ito na mapabilang sa mga mawawalan ng trabaho dahil sa ipapatupad na cost-cutting.
Dahil dito, hiniling ni Nograles sa CAB na tiyakin ang kapakanan ng mga tauhan ng airlines at maglatag ng mga hakbang para tulungan ang mga ito.