Kapakanan ng mga Barangay Health Workers, tiniyak ni Pangulong Bongbong Marcos

Kinilala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang kahalagahan ng trabaho at sakripisyo ng mga Barangay Health Workers (BHW).

Sa pagtitipon sa Malacañang kahapon kasama ang mga BHW, sinabi ng pangulo na matindi ang sakripisyo ng mga BHW noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic kaya mahalagang matiyak ang kapakapanan ng mga ito.

Masaya raw siya na kasama sa mga naipasa sa kamara ang Magna Carta for Barangay Health Workers.


Aniya, nakahain na ngayon ang panukalang batas para sa mga health workers sa barangay at ito ay ang Magna Carta of Barangay Health Workers na inihain ni Barangay Health Wellness Party-list Representative Angela Co.

Ang House Bill 10699 ay naihain noong 18th Congress at umabot sa third reading sa Kamara pero hindi na umano umusad pa sa Mataas na Kapulungan.

Ang Barangay Health Workers Partylist ay binubuo ng mga barangay health workers, barangay nutrition scholars, barangay sanitary inspectors at barangay service point officers.

Isinusulong din ng partylist ang kanilang mga karapatan at kapakanan habang nagbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa bawat komunidad na kanilang kinabibilangan.

Facebook Comments