Sinabi ni Bise Presidente Leni Robredo nitong Lunes, ika-28 ng Pebrero, na kung sya ay bibigyan ng pagkakataong maglingkod bilang pangulo, pagtutuunan ng pansin ng kanyang administrasyon ang pagpapabuti sa buhay ng mga manggagawa sa sektor ng IT-BPO.
Sa isang online discussion kasama ang mga BPO na opisyal at empleyado na inorganisa ng IT and Business Process Association of the Philippinest IBPAP, nilatag ni Robredo ang kanyang plano para matulungan ang sektor na matupad ang potensyal nito sa paggawa ng trabaho para sa mga Pilipino.
Ipinangako ni Robredo na magiging prayoridad ang pagkakaroon ng mas maayos na public transportation system, access sa government services, at online transactions sa mga tanggapan ng pamahalaan para sa kapakanan ng 1.4 milyong nagtatrabaho sa mga call center at iba pang mga BPO.
“Kailangan mas compassionate ‘yung programs, mas ‘yung empathy dagdagan ng pamahalaan to provide the most basic of the services,” sabi ni Robredo, bilang pagdiin na naiintindihan niya ang pangangailangan ng mga BPO employees at iniisip nya ang pinaka-mabuting paraan na mapagaan ang kanilang buhay.
Kasama sa mga tinalakay ni Robredo ang pagkakaroon ng mga batas para suportahan ang mga work from home at hybrid setup ng mga kumpanya, pamumuhunan sa up-skilling at re-skilling ng mga graduate para mas mabilis makahanap ng trabaho, at pag-upgrade ng digital infrastructure ng bansa.
Bukod sa paggawa ng mas maraming trabaho, gusto ni Robredo na magkaroon ng mas mataas na skill set ang mga empleyado at makakuha ng mas mataas na sweldo.
“Your industry is powered by very talented, dedicated Filipinos and one of the roles of government is really to provide the necessary systems and infrastructure so that their talents and their dedication is harnessed to the fullest,” sabi ni Robredo.
Sa pagwawakas, binigyang-diin ni Robredo na sa lahat ng mga polisiya ng pamahalaan sa sektor, bibigyang boses niya ang mga kumpanya at manggagawa nito.