Kapakanan ng mga commuter, dapat manaig sa polisiyang ipapatupad ng pamahalaan kaugnay sa pagtugon sa COVID-19 pandemic

Umapela si Senator Joel Villanueva sa pamahalaan na kapakanan ng mga commuters lalo na ang mga manggagawa na araw-araw bumabiyahe, ang dapat manaig sa anumang polisiyang ipatutupad kaugnay sa pampublikong transportasyon.

Paliwanag ni Villanueva, magdadala lamang ng hinanakit at poot sa mga hindi pa bakunadong indibidwal ang all-out ban sa mga pampubliko sasakyan, imbis na mahikayat silang magpabakuna.

Mungkahi ni Villanueva, magbigay ng insentibo para mas marami ang mahikayat na magpabakuna laban sa COVID-19 at magpakalat din ng sapat na impormasyon at edukasyon sa benepisyo ng mga bakuna.


Bukod sa pagpapabakuna ay binigyang-diin ni Villanueva ang kahalagahan ng mahigpit na pagsunod sa minimum health standards.

Inirekomenda rin ni Villanueva na habang tumataas ang risk ng hawaan ng virus sa mga manggagawa ay maaari mag-shift ang mga kompanya sa work-from-home arrangement.

Muli ring iginiit ni Villanueva ang kahalagahan ng libreng COVID-19 testing, isolation at treatment.

Facebook Comments