Kapakanan ng mga kabataan, ipinapaprayoridad sa pagbangon ng ekonomiya

Hinimok ni Basic Education Committee Chairman Sherwin Gatchalian ang pamahalaan na tiyaking maisasaalang-alang sa pagbangon ng ekonomiya ang kapakanan ng mga kabataan.

Tinukoy ng senador ang matinding epekto ng pandemya sa mga kabataan tulad ng paghina ng pagkatuto dahil sa kawalan ng face-to-face classes, gayundin ay nalantad ang mga ito sa iba’t ibang uri ng karahasan at mental health issues sa kasagsagan ng mahigpit na implementasyon ng lockdown.

Binigyang diin ni Gatchalian ang mga hakbang na makakatugon sa naging impact ng pandemya sa kapakanan ng mga kabataan tulad ng pagpapatupad ng learning recovery, sustained psychosocial intervention, at child protection measures.


Pinamamadali naman ni Gatchalian ang pagsasabatas ng mga panukala na makatutulong para sa pagpapabuti ng sitwasyon ng mga kabataan.

Ito ang Senate Bill 150 Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Act at Senate Bill 379 o ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act.

Sinabi ni Gatchalian na kasabay ng muling pagbangon sa pandemya ay dapat tutukan ang mga kabataan lalo’t kasama sila sa mga pinakaapektado ng pinsalang dulot ng COVID-19.

Facebook Comments