Tiniyak ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Urdaneta ang patuloy na pangangalaga sa kapakanan ng mga Persons Deprived of Liberty (PDL) ngayong panahon ng Pasko at Bagong Taon sa pamamagitan ng iba’t ibang aktibidad sa loob ng pasilidad.
Ayon kay Acting District Jail Warden JSUPT Randy A. Batay-an, sinisikap ng jail administration na maramdaman pa rin ng mga PDL ang diwa ng pagdiriwang sa kabila ng pagkakahiwalay sa kanilang mga pamilya.
Dagdag pa niya, layunin ng pamunuan na maipagdiwang ang Bagong Taon sa masayang paraan upang hindi maramdaman ng mga PDL ang pangungulila sa kanilang mga mahal sa buhay.
Ipinabatid ang BJMP Urdaneta na walang pagbabago sa oras ng pagdalaw ngayong holiday season, kasabay ng paalala sa mahigpit na pagsunod sa mga umiiral na regulasyon at sa pagbabawal sa pagdadala ng mga hindi pinahihintulutang gamit.
Habang nalalapit ang pagtatapos ng taon, patuloy na hinaharap ng mga PDL ang bagong simula nang may pag-asa—isang paniniwala na ang bawat taon ay maaaring magbukas ng pagkakataon para sa pagbabago at muling pagbangon.








