Siguraduhing hindi tataas ang bilihin sa bansa.
Ito ang naging bilin noon ng yumaong si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa noo’y kalihim ng Department of Agriculture na si Proceso Alcala.
Sa interview ng RMN Manila, ibinahagi ni Alcala na kahit unang araw pa lamang niya sa panunungkulan ay ito agad ang sinabi sa kaniya ng pangulo upang hindi mapabayaan ang mga kababayan na mamimili.
Bukod diyan, nais din aniya ng pangulo na matiyak na kumikita ang mga magsasaka at mangingisda sa kaniyang termino.
Inilarawan naman ni dating Bureau of Customs Commisioner at Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon ang kaniyang dating boss bilang isang lider na nagbibigay ng pagkakataon sa mga gabinete upang magampanan ng ayos ang kanilang tungkulin.
Nagsilbi si Alcala bilang kalihim ng DA sa buong termino ni Pangulong Aquino habang naging Customs Commisioner si Biazon noong 2011 bago nagbitiw noong 2013.