
Ipinauubaya ni Senate President Chiz Escudero ang magiging takbo at kapalaran ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte sa plenaryo matapos na magdesisyon ang Senado na iurong ang lahat ng impeachment activities sa June 11.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Escudero na pag-uusapan pa ang magiging posisyon ng mga senador patungkol sa impeachment at nasa kamay na ng plenaryo o mayorya ng mga senador ang desisyon kung ipagpapatuloy o maibabasura ang impeachment case laban sa bise presidente.
Nilinaw rin ni Escudero na walang kinalaman kay Pangulong Bongbong Marcos o sa isyu ng Senate Presidency ang desisyon na ipagpaliban ang impeachment laban kay VP Sara.
Giit ng Senate President, uunahin nila ang priority bills na kailangang maipasa bago matapos ang 19th Congress.
Katwiran pa ni Escudero kahit naman anong petsa, June 3 o June 11 masimulan ang impeachment proceedings ay hindi pa rin mababago na mayroong 10 araw para makasagot si VP Duterte kapag ito’y pinadalhan ng summon at ito ay papatak pa rin sa petsa na tapos na rin ang sesyon.
Nakatitiyak naman ang senador na walang mababago sa petsa ng mismong impeachment trial na nakatakda naman sa July 30.









